Religion Wars

Maraming nagsasabi na sila ang "Totoong Relihiyon" o na sila ang "Tamang Relihiyon", sa huli ang kinakalabasan ay binababa mo lamang ang iba pang mga paniniwala ng tao dahil sinasabi mo sa kanila na mali ang kanilang pinaniniwalaan Panginoon at tama ang sayo. Dito nagkakaroon ng gulo ang bawat Relihiyon, pagsinimulang makialam ng ibang relihiyon sa mga pananaw at paniniwala ng iba. Na imbes na irespeto mo na lang ang kanilang paniniwala at wag na lamang makialam at tignan ang kanilang mga tradisyon, pananaw at turo ng kanilang mga ninuno, mas mabuti pa siguro na tignan na lang natin ang ating sarili, ituwid ang sariling kamalian at wag ng punahin ang gawain ng iba.

Tama ba na pandirian ko sila o i-discriminate ko sila base sa kanilang relihiyon at paniniwala sa buhay? Sa totoo lang nangyayari to. Lalo na kung ang dominanteng relihiyon ng isang bansa halimbawa ay Katolika tulad dito sa Pilipinas, marahil minsan sa araw-araw kong pagkokomyut ay napapansin ko na pag may mga muslin sa isang bus, may ilang mga tao na di sila tinatabihan, dahil sa Pilipinas, ang nosyon sa kanila o ang katumbas marahil ng isang pagiging Muslim ay terrorista. Alam ko na ganoon din ang nangyayari sa ibang bansa na kung saan ang mga dominanteng relihiyon ay Muslim.

Para sa akin, walang tamang relihiyon, walang masmagaling manalangin, walang mas may naka tataas na Panginoon, dahil sa aking paniniwala ay iisa lamang ang nakakataas sa atin, maaaring si God yan, si Allah, Buddha o Shiva marahil iba-iba sila ng itsura, pananamit at pinangalingan, pero para sa akin lahat sila ay ang totoong Panginoon, nagiiba lamang ng itsura. Lagi kong iniisip na ang Relihiyon ay isang pagsubok sa atin ni God sa mundo, kung irerespeto ba natin ang pinaniniwalaan ng iba o itatakwil natin sila o i-discriminate at i-outcast sa isang komunidad o pandidirian. Sa akin lang, lahat naman tayo may kanya-kanyang pinaniniwalaan sa buhay, pero hindi nagiging kahulugan ng isang tao ang kanyang relihiyon, hindi porket ganto ang kanyang relihiyon ay katulad na rin siya ng ibang nakagawa ng mali sa kanila relihiyon.

Lahat naman tayo nakuha ang ating relihiyon sa ating mga magulang, kung ano ang ipinamulat nila sa atin noong bata pa tayo, malamang doon tayo susunod, kung Katoliko ang mga magulang mo malamang naging Katoliko ka rin, kung Muslim sila, ganoon ka rin. Pero minsan nakikita ng isang tao ang kanyang relihiyon pagnagka-isip na siya, may mga taong nagpapa-convert kasi doon nila mas nararamdaman ang kung baga "holiness ni God or yung presensya niya".

Sa huli, tayo pa rin naman ang magdadala sa ating sarili sa totoong relihiyon, at para sa akin ang totoong relihiyon ay hindi base sa iyong nakalakihan, hindi dahil yun yung sinabi sa amin ng mga nakakatanda na ito ang tama kundi ang totoong relihiyon ay kung saan mo mas nararamdaman ang Panginoon o kung sino man ang iyong pinaniniwalaan at higit sa lahat, marunong kang rumespeto sa iba tao lalo na sa kanilang paniniwala sa buhay.

Image: http://browse.deviantart.com/digitalart/vector/?q=religion#/d1orfzr

~ Sunday, November 6, 2011 0 Reactions

Simpleng Nakaw

http://browse.deviantart.com/digitalart/?qh=&section=&q=barya#/drbbha

Naranasan mo na bang manakawan ng pera? o kaya mahold-up sa kalsada o sa isang madilim na eskenita? Araw-araw, isa sa mga pinagdadasal ng mga tao ay sana ay wag silang mawalan ng pera, manakawan ng cellphone o mga importanteng bagay na bitbit-bitbit sa pang araw-araw. Pero sa hirap ng buhay, wala na tayong magagawa kapag nasulsihan tayo o mapalad na mapiling madukutan sa dinami-dami ng pedeng makuhanan. Minsan di natin napapansin na nawalan na pala tayo kasi masyado tayong nakatutok sa isang bagay, pero minsan din naman ay alam na natin na ninanakawan na tayo pero wala tayong magawa.

Ikaw? Narinig mo na ba ang mga salitang simpleng manyak o simple tingin? Eh ang Simple Nakaw? Malamang ay hindi pa, pero alam ko lahat na tayo ay naging biktima na ng simple nakaw, sigurado ako, walang duda, nabiktima ka na nito. Masasabi kong ito ang nauusong paraan ng pagnanakaw ngayon, hindi man direktang pagnanakaw pero masasabi na palihim na pagnanakaw. Ang simple nakaw ay masasabi kong isang uri ng pagnanakaw na ginagawa ng isang may kaya sa buhay maari pa nga na isang kompanya o milyonaro ngunit hindi ng isang pulubi o hikahos na mamayanan ng bansa. Iba ang korapsyon sa simple nakaw, kasi ang karaniwang pangungurakot ay nagkakahalaga ng malalaking halaga ng pera, mula sa isang daan hanggang milyon pero ang simpleng nakaw ay masasabi kong maliit na halaga ng pera, mga sentimo o piso.

Ang simple nakaw ay laganap, marami akong naranasan na ganitong uri ng masasabi kong pagnanakaw. Malamang naka punta ka na sa isang convenient store, grocery at department store sa mga sikat na pasyalan, bumili ng isang mamahaling damit o kaya ay isang pirasong bote ng inumin, tapos kapag magbabayad ka ay sasabihin nila na wala silang barya o panukli, maaring eto ang kanilang sasabihin "Sir/Mam pwede po bang kendi na lang o bubble gum ang isukli ko sa inyo kasi wala akong barya" o kaya naman ay " Pwede po bang kulang ako ng 25 sentimos o 50 sentimos?" Syempre papayag ka kasi maliit na bagay lang naman ito, pero kung titignan mo pag pinasama-sama mo ang bilang ng mga taong pumayag na kendi na lang ang sukli at pumayag na kulang ng 25 at 50 sentimo ang kanilang sukli pwedeng umabot yun ng isang libo kada araw o ang masama mas higit pa.

Para mo na ring tinuruan mandaya ang mga bata o magnakaw, para mo na ring sinabing pwede bang kendi na lang din ang bayad ko sa binili kong t-shirt kasi kulang din ako ng barya o pwede kulang ako ng 75 sentimo sa bayad ko kasi wala ako noon, malamang pag tayo ang gumawa noon hindi sila papayag kasi mautak sila.

Alam naman natin na ang simple piso o sentimo sa panahon ngayon ay malaking halaga na at hindi biro ang maghanap buhay, bawat piso at sentimo ay mahalaga, kaya dapat wag tayong pumayag na kulang ang sukli natin, tandaan mo na pinaghirapan mo yang perang yan o pinaghirapan yan ng mga magulang mo. Kahit sabihing mong maliit na bagay lang yan, may mga panahon na kakailanganin mo rin yan.

~ Sunday, September 25, 2011 0 Reactions

Bicepstrophy at Tricepstrophy



Nauuso na ngayon ang pagpapalaki ng katawan o pagpunta ng mga tao sa gym dahil nagiging trend na ang "healthy lifestyle", ang pagkain ng wasto at ang pagiging maaasiwain ng mga kalalakihan at kababaihan sa panglabas na kaanyuan, naging impluwensya ang medya at ang mga nagtataasang billboard sa Edsa na naglalathala ng mga pang modelong pangagatawan, na tyak na pinapantasya ng karamihan. Sino ba naman ang ayaw na magkaroon ng ala-cocacolang pangagatwan, mga perpektong hubog, tyan na may anim na pandesal at mala-hercules na braso. Kaya halos marami na ang nagtatayuang mga maliliit na negosyo tulad ng gym sa mga kanto, pero dahil sa kagutuhang makuha ang inaasam-asam ng pangagatawan ay basta-basta na lang pumunta sa mga gym at bumubuhat ng kahit ano, kahit wala tayong kaalam-alam kung paano ba ang tamang paraan at proseso ng pagbubuhat.

Kaya isa sa mga malaking kamalian ng mga Pilipino ngayon ay ang hindi pagkonsulta sa mga taong nakakaalam ng mga dapat gawin, isa sa mga aking napansin ay ang mga naglalakihang braso ng mga lalaki, puro na lang Biceps at Triceps na tinatawag kong Bicepstrophy at Tricepstrophy, parang sinabing "okay na yun basta lang lumabas ang muscle sa braso, para lang masabing batak at para lang masabing nagbubuhat kasi uso eh", pero kung titignan mo ang lalaki naman ng tyan, para bang mga bouncer, tapos hilig pa ang magsuot ng mga masisikip na damit: oo nga kita ang galit mong muscles sa braso pero kung ano ang kinalaki ng braso eh ganoon din ang laki ng tyan. Mapapansin ito madalas sa mga Pilipino kasi maganda daw atang tignan sa kanilang palagay, sa totoo lang ay nakakaasiwa, hindi balanse ang katawan mo, hindi rin maganda tignan.

Ang tama ay dapat magpapayat muna sa pamamaraan ng pagtakbo ng 30-45 minutos araw-araw kahit di muna magbuhat, pero kung kaya pedeng magbuhat yung kaya lang ng katawan at hindi lamang binibigyang pansin ang braso, dapat buong katawan ay wino-work-out kung baga. Tapos tsaka ka lang mag cardio, pagkatapos mag buhat, dapat din ay sunod-sunod na pagehersiyo ang ginagawa (chest, back, shoulders, legs, biceps, triceps) isang set ay dapat may tag isang exercise ang bawat parte ng katawan na nabangit. Tuloy-tuloy ang pag buhat hanggang matapos ang isang set ng ehersisyo tsaka lang pede mag pahinga pag natapos ang anim na klase ng ehersiyo at uulitin ito ng 15-20 na repitisyon sa tatlong sets, pagnatapos na ito ay panibagong set ng ehersiyo ang gagawin.

Ang rasyonale ay tanggalin muna ang taba bago magpalaki ng katawan, ang weight loss training ay ang renirekomend ng mga ispesyalita, dahil uubusin mo muna ang carbohydrates mo sa katawan kaya ka nagbubuhat sa una tapos tsaka ka mag cardio ng 30-45 minutos para ang taba o fats na ang ginagamit na source ng enehiya sa pamamaraan na ito ay nabuburn mo ang iyong taba.

~ Saturday, July 30, 2011 0 Reactions

Pag-Ibig


Masyadong malawak at seryosong isyu to sa kabataan pati na rin sa matatanda. Madalas mo tong sinasabi araw-araw na mahal mo o gusto ang isang tao, pero alam mo ba talaga ang salitang pag-ibig, alam mo ba talaga kung paano umibig o nakiki-uso ka lang o ang inakala mong pag-ibig ay sadyang hindi pala pag-ibig. Well, sa bibliya may nabangit na tatlong klase ng pag-ibig: Ang Eros Love, Philos Love at Agape.

Ang Eros Love o sa layman's term ay "erotic love", madalas ito ang unang stage ng pag-ibig, ang eros na klase ng pag-ibig ay madalas ay pisikal na uri ng pag-ibig, o madalas ang anyo o itsura ng tao ang basehan na mahal mo na siya. Halimbawa, nagandahan ka sa kanya, o ang ganda ng mata niya o maganda ang lahi niya. kahit hindi mo pa masyado kilala ang tao, sinasabi mo na mahal mo na siya. Pero sakin mali ang concepto na umibig ka dahil sa pisikal na anyo kasi, parang makasariling pag-ibig ito, kasi ikaw lang ang nagbebenifit dito, ikaw lang ang nakakaramdam ng pagmamahal pero yung taong gusto mo hindi.

Kaya hindi totoo, ang "Love at first sight", kasi imposible nga ang magmahal na ikaw lang ang nagmamahal at imposible rin na magmahal ng di mo pa kilala ng tuluyan ang tao, at dahil minahal mo lang siya sa pisikal na anyo at hindi sa kanyang buong pagkatao. Kahit pa parehas kayo ng nararamdam sa isa't isa or in short mutual understanding pero di niyo pa gaano kakilala ang isa't isa di ito anyo ng pag-ibig.

Gaya ng "Love at first sight" hindi rin totoo na isang uri na ng pagmamahal kapag nahulog ka sa kanya or "falling in love" kasi ikaw lang ang nagbebenefit at ikaw lang din ang nakakaramdam ng pag-ibig at hindi parehas kayo kaya medyo selfish love ito.

Minsan kasi masyado tayong nalalason ng media, kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng pag-ibig, kaya mas maganda na nagrerelay tayo sa puso at isip at hindi gaano sa ating nakikita at sa nararamdaman, kasi minsan hindi lahat ng nararamdaman mo tama eh, oo, nararamdaman mo na ang saya-saya mo kapag nagkita kayo o nakita mo siya at sasabihin mo na "uy tumingin siya sakin" 0 "uy ngumiti siya sa akin nung nagkasalubong kami" kaya "yes, feeling ko may gusto siya sakin o kaya yes, we are destined for each other" akala mo "siya na ang para sayo" pero sa huli hindi pala, alam mo kung ano mali? Hindi mo siya muna kinilala, basta ka nag-assume.

Pero ang eros love ay hindi masama, dahil nga ito ang unang stage ng pag-ibig, ibig sabihin normal ito sa tao, hindi lang pisikal na anyo ang eros na klase ng pag-ibig, gaya nga ng nabangit ko kanina, kapag may mutual understanding kayo at madalas na kayo lang ang nagkakaintindihan, maaaring nasa stage kayo nito lalo na nagusto niyo ang isa't isa. Sa eros love ay mararamdaman mo na ang romantic feeling.

Kaya sa eros love, pede karing mainlove kahit hindi sa pisikal na anyo, pede ring sa nakikita mong katauhan niya, kung baga yung nakikita mo pero hindi mo pa siya kilala, halimbawa, mabait siya, magaling magdrawing, mahilig din siya sa french fries at anime, masipag siya o kaya magaling kumanta o sumayaw. Parang first impression mo sa kanya o yung ung pagkakakilala mo sa kanya, pero di mo pa gaano kilala ang kanyang buong pagkatao.

Ang eros love ay isang klase ng pag-ibig na wala pang gaanong friendship na nanamuo, ibig sabihin, kilala mo lang siya sa kung ano ang pinapakita niya, nakikita mo o kung ano ang pagkilala mo sa kanya. Pero wala pang malalim na pagkakakilanlan sa isa't isa. Para makapunta sa pangalawang stage ng pag-ibig o ang philos love, kailangan mong kilalanin ng mabuti ang taong gusto mo. Madalas maraming nabibiktima sa eros love, kasi pagnanliligaw ang isang lalaki, madalas talagang madalas ang ipapakita muna niyan sa babaeng kanyang gusto ay ang magagandang attribute niya, kunyaring mabait, matulungin, o kung anu man pero pag sinagot na siya ng babae, doon na lalabas ang tunay na kulay, kaya minsan dapat kilalanin muna ito ng babae ng lubusan, kasi madalas sa huli di rin magiging kayo para sa isa't isa, kasi sa una pa lang parang plastic na yung lalaki at hindi na pinapakita ang tunay na kulay, misan kasi, inaamin ko, masyadong abuso na ang lalaki parang trinatrato ang mga babae bilang isang materyal-para lang ma-satisfy ang sariling kagustuhan at di na iniisip ang nararamdaman ng babae.

Ang pangalawang stage o klase ng pag-ibig, ay ang "Philos Love", madalas ito ang pagmamahal mo sa mga importanteng tao sa buhay mo, gaya ng pagmamahal mo sa magulang mo, sa kapatid mo, sa mga kaibigan mo o sa best friend mo. Maaaring di ka na dumaan sa unang stage ng pag-ibig, maaring nasa philos love ka na agad.
Sa Philos Love binibigyang importansya ang salitang "Friendship", kasi dito mas makikilala mo na ang taong gusto mo, hindi katulad ng Eros love na puro na lang magagandang attributes o traits ng taong mahal mo ang nakikita mo, dito sa philos love, pati yung panget o evil side ng taong gusto mo ay makikita mo or malalaman mo. Kaya sinasabi na importate ang "friendship" sa isang relasyon, lalo na kung gusto mo itong magtagal kasi natuto mong mahalin hindi lang ang magandang parte ng kanyang pagkatao gayundin ang mga panget o masamang parte ng kanyang pagkatao, at minsan ang pagtanggap sa "imperfections" ng bawat isa ay siya nagtutungo sa mas matagal na relasyon.

Madalas nagsisimula ito sa kaibigan mo siya, tapos araw-araw kayo magkakasama ng barkada mo, tapos nagustuhan mo yung buong pagkatao niya, hanggang sa naging inspirasyon mo siya, at malalaman mo na ganoon din pala ang nararamdaman niya sayo. Hanggang sa siya ang magiging dahilan mo para pumasok araw-araw. Pero minsan wag kang papaka-siguro kasi minsan sa stage na ito, marami pa rin ang nagkakamali, minsan kasi ang akala mong gusto o pag-ibig ay hindi pala totoo, yun pala nasanay ka lang na nandyan siya lagi, parang naging dependent ka, na kung hindi siya pumasok sa school ngayon, parang ikaw tatamarin ka, parang kung wala siya, wala ka rin, para kang naging anino niya, at hindi ito kasama sa philos love kasi sa huli ikaw lang din ang nasasaktan, kasi ikaw lang ang nagbibigay, ikaw lang ang umeeffort, pero wala kang nakikitang ginagawa niya para sayo.

Dito sa stage na ito mas binibigyang pansin ang "give and take relationship" kung saan hindi lang ikaw ang parating bigay ng bigay o tanggap ng tanggap, kailangan parehas kayong pinupuno ang kulang ng isa't isa, parehas naghihirap sa isa't isa, hindi yung mag isa ka lang na nagtataguyod ng relasyon niyo. Malalaman mo naman eh na okay kayo pagnaramdaman mo na iniisip mo rin yung kalagayan niya o yung makukuha niya sayo, hindi yung sarili mo lang iniisip mo.

Maraming nagsasabi na magandang magsimula ng pundasyon ng isang relasyon kapag magkaibigan kayo, sa totoo lang sang-ayon ako dito, pero marami ding nagsasabi na minsan di maganda ang nadudulot ng pagiging magkaibigan niyo kasi pag trinato mo siyang kaibigan maaaring ganun din yung ibalik niya sayo at nagiging komportable na kayo sa isa't isa at minsan na stuck na kayo sa pagiging magkaibigan kasi pag itinaas niyo sa ibang lebel ang pagiging pagkakaibigan niyo tapos naging kayo at nagbreak kayo kunyari, maaaring kinakatakot ay masira ang nabuong pagkakaibigan niyo at the first place, pero hindi ka naman nagmahal na iisipin mo pa yung nabuo niyong friendship, kung mahal mo ang isang tao at willing ka na gawin lahat, kahit friendship isasakripisyo mo kasi nga mahal mo, walang hahadlang, pero kung sa una pa lang natatakot ka na na iangat sa ibang lebel ang inyong pagkakaibigan, siguro magduda kana baka mamaya pag naging kayo, hindi mo kayang ibigay lahat kasi takot ka sa una pa lang.
Ang paghahanap ng tamang kabiyak ay hindi naman dapat sumunod sa tinalang "standards" ng mga tao, san ka pa nakakita ng magasawa na sila yung una at huli niya, parang bilang mo lang sa buong mundo, mas madalas maraming nagsasabi na ang hindi maganda ang friendship bilang isang pundasyon sa matagal na relasyon pero kita mo naman sila, sila yung mga naka dose na nakarelasyon, hindi naman trial and error ang paghahanap ng mr. or ms. right. Kailangan iniisip ito ng mabuti, kailangan willing kayo parehas na magsakripisyo, yun ay kung mahal niyo ang isa't isa, at yun ay kung kung parehas kayong nagbebenefit. Tandaan, ang pagkakaroon nag karelasyon ay kahit kailan hindi naging ako o ikaw, kailangan tayo, tanggap niyo ang isa't isa kahit na anong pagkatao niya.

Naniniwala ako na mas tumatagal ang magkabiyak na iba ang hilig at hindi yung sinasabing compatible sila dahil parehas sila ng gusto o interest sa buhay, kasi naniniwala ako na kapag sobrang magkaiba kayo ng personalidad at interest, kayo yung nagpupuno sa kulang ng isa't isa. Halimbawa, mahirap kapag ang magkarelasyon parehas gusto ang paa ng manok, kasi magaagawan pa yan, minsan away pa, pero kung magkaiba kayo halimbawa gusto ng lalaki ang pakpak at ikaw ang paa, sigurado lagi kayong at peace. Pero wala naman ako sinasabi na kapag magkaparehas kayo di kayo magtatagal, paniniwala ko lang yun, pero meron din nagtatagal doon kasi kumakapit sila sa gusto ng isa't isa, at hindi sila nawawalan ng pinaguusapan, yun nga lang pare-parehas lang ung paguusapan niyo at yun ay yung kagustuha niyo.

Sa pinakahuling stage ng pag-ibig, ang Agape, itong ang pinaka mataas na uri ng pag-ibig na kayang ibigay ng tao, ito ang klase ng pag-ibig na naghahanap ng walang kapalit, itong ang klase ng pag-ibig na walang self-benefit, kahit ikamatay mo pa itutuloy at itutuloy mo pa ring mahalin siya. Ang klaseng ito ng pag-ibig ay hindi nagiintay ng kahit anong kapalit sa iyong kabiyak. Halimbawa, ang pag-ibig ng isang ama sa kanyang anak, kahit pa rebelde ito o sinasagot sagot siya, ang pag-ibig ng isang ampon sa kanyang hindi tunay na mga magulang kahit inaapi na siya o ang pag-ibig ng Diyos sa atin kahit na pinako pa siya sa krus ng dahil sa ating kasalanan.

Sa huli ang pag-ibig na pinapahiwatig sa atin sa bibiliya ay hindi isang standards na kailangan nating sundin para magkaroon ng isang maganda relasyon, kundi isa lang itong paraan para turuan o gabayan tayo o para maipaalala sa atin ang kahalagahan ng pag-ibig. Depende pa rin sa tao kung paano niya titignan ang salitang pag-ibig, dahil siya rin naman ang may hawak ng kanyang kapalaran. Basta ako naniniwala, na sa ngayong buwan ng mga puso, hindi mo kailangan ng isang ka-date o syota, kasi hindi lang naman sila ang taong pedeng magmahal sayo, kaya nga may pamilya at kaibigan na laging andyan na mas kaya pang higitan ang pagmamahal na hinahanap mo sa iisang tao.

Happy Valentines Day

~ Wednesday, January 12, 2011 0 Reactions